Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Rider, patay; angkas, sugatan sa aksidente sa Lemery, Batangas

Patay ang isang motorcycle rider habang sugatan naman ang kanyang angkas matapos masangkot sa banggaan ng tatlong sasakyan sa National Highway, Barangay Sinisian West, Lemery, Batangas, nitong November 5, 2026.

Kinilala ang nasawing rider sa alyas na Mark, na idineklarang dead on arrival sa Batangas Provincial Hospital. Sugatan naman ang kanyang backrider na si Ange at isinugod din sa naturang ospital para malapatan ng lunas.

Batay sa imbestigasyon ng Lemery Municipal Police Station, nangyari ang aksidente dakong alas-5:40 ng umaga at ini-report sa pulisya alas-8:00 ng umaga matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen.

Sangkot sa insidente ang isang pulang motorcycle, isang puting commuter van at isang puting truck.

Ayon sa paunang imbestigasyon, binabagtas ng motorsiklo ang outer lane mula Calaca City patungong Lemery nang tangkain nitong lumipat sa inner lane. Dito naman sumagi ang kaliwang handlebar nito sa kanang bahagi ng harapan ng van na kasabay na bumibiyahe sa inner lane.

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang rider at bumangga sa likurang bahagi ng truck na pansamantalang nakaparada sa outer lane at nakaharap sa direksyon ng Lemery.

Inilipat naman ang labi ng nasawing rider sa hospital morgue sa Barangay Palanas, Lemery. Ayon sa pulisya, pumayag ang mga sangkot na magkaroon ng amicable settlement. | BChannel news