Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Dalawang landfill sa Batangas City, posibleng ipasara dahil sa polusyon at basura sa ilog

Posibleng tuluyang ipasara ang dalawang landfill sa Batangas City dahil sa polusyon sa Maapas River na nagdudulot din ng masangsang na amoy sa mga kalapit na komunidad.

Sa inspeksyon, natukoy ang pag-agos ng wastewater o leachate at basura mula sa mga landfill patungo sa ilog. Nakitaan din ang mga pasilidad ng problema sa disenyo, kawalan ng accredited pollution control officer at kakulangan sa kaligtasan ng mga manggagawa.

Tinalakay ang isyu sa pagpupulong ng Provincial Solid Waste Management Board noong November 11, 2026, sa pangunguna nina Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, Provincial Chief of Staff Pedrito Martin Dijan Jr., at PG-ENRO Chief Dr. Marivic Esmas. Dumalo rin ang Environmental Management Bureau o EMB at mga kinatawan ng Batangas City.

Ayon sa EMB, ipararating sa Regional Office ang usapin para sa legal na aksyon. Kabilang sa mga rekomendasyon ang pagsasara ng dalawang pasilidad alinsunod sa due process, paglilinis at rehabilitasyon ng ilog, at regular na environmental monitoring.

Maghahanda rin ng contingency plan upang hindi maantala ang koleksyon ng basura sakaling matigil ang operasyon ng mga landfill.

Bahagi ito ng mga hakbang ng administrasyon ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto upang matiyak ang pagsunod ng mga pasilidad sa mga batas at patakaran sa pangangalaga ng kapaligiran.