Opens in a new tab
Skip to content
National

DOJ, kinumpirma ang non-bailable warrant laban kay Atong Ang at ex-Police Colonel

Hindi maaaring makapagpiyansa si Charlie “Atong” Ang at dating Police Lieutenant Colonel Ryan Jay Orapa matapos maglabas ng non-bailable arrest warrant ang Manila Regional Trial Court kaugnay ng kaso ng nawawalang mga sabungero.

Kinumpirma ito ng Department of Justice o DOJ, matapos maglabas ng warrant ang Manila RTC Branch 175 noong October 30, 2026, kaugnay ng kasong kidnapping and serious illegal detention.

Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, nakakita ang korte ng sapat na ebidensya upang maitaguyod ang probable cause at ituloy ang paglilitis laban sa dalawang akusado.

Sa inilabas na order ni Judge Danilo D. Leyba, hindi pinayagang makapagpiyansa ang mga akusado dahil sa bigat ng mga kasong isinampa laban sa kanila.

Matatandaang noong January 2026, naglabas din ng non-bailable arrest warrants ang mga korte sa Laguna laban kina Ang, Orapa at iba pang co-accused kaugnay ng parehong kaso.

Nahaharap si Ang sa 15 counts ng kidnapping and serious illegal detention at apat na counts ng kidnapping with homicide, kaugnay ng pagkawala at umano’y pagpatay sa hindi bababa sa 34 na sabungero noong 2021 hanggang 2022.

Iniuugnay ang mga insidente sa mga sabungero na umano’y nandaya sa mga cockfighting games na konektado kay Ang.

Noong October, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakalabas na umano ng bansa si Ang sa pamamagitan ng backdoor. Ngunit ayon naman kay Justice Secretary Fredderick Vida, batay sa immigration records, nananatili pa rin sa Pilipinas ang negosyante.