Isang 36-anyos na vendor ang nasawi matapos barilin sa loob ng Naic Public Market sa Barangay Ibayo Silangan, Naic, Cavite kahapon bandang alas-5 ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Eduardo, residente rin ng nasabing barangay, na agad isinugod ng mga bystander sa San Lorenzo Hospital pero kalaunan ay binawian din ng buhay habang ginagamot.
Ayon sa Naic Municipal Police Station, unang naireport ang insidente bandang alas-5:09 ng hapon matapos tumawag ang mga barangay officials. Agad namang rumesponde ang mga pulis at sinigurado ang lugar ng krimen.
Sa ngayon, wala pa ring pagkakakilanlan ang suspek at patuloy na inaalam ang motibo sa likod ng pamamaril. Kinokolekta at nire-review na rin ang mga CCTV footage mula sa mga kalapit na establisyemento para matukoy ang salarin.
Humingi na rin ng tulong ang pulisya sa SOCO para sa mas masusing imbestigasyon, habang bumuo na ng tracker team para sa posibleng pagkakaaresto ng suspek. | BChannel News