Inaasahan ng Department of Trade and Industry o DTI ang mataas na demand para sa bagong PHP4-billion MSME Business Fund, lalo na habang may epekto sa ekonomiya ang tensyon sa Middle East.
Ayon kay DTI Secretary Ma. Cristina Roque, posibleng dumami ang mga negosyanteng mag-aavail ng pondo, katulad ng naging interest sa Women Enterprise Fund, habang naghahanap ng dagdag puhunan ang maliliit na negosyo.
Layunin ng programa na suportahan ang micro, small, and medium enterprises o MSMEs, partikular ang mga apektado ng global developments. Sa ilalim ng loan program, maaaring makahiram ng hanggang PHP20 million, habang ang hanggang PHP5 million ay puwedeng makuha kahit walang collateral.
Ang loan ay maaaring bayaran sa loob ng limang taon, at may palugit na isang taon kung saan walang kailangang bayarang principal at interest—isang setup na inaasahang makakatulong sa cash flow ng mga negosyo.
Kabilang sa mga requirements ang valid ID, mayor’s permit, proof of bank account, business photos, at iba pang dokumento kung kinakailangan.
Sa ngayon, sinabi ng DTI na posibleng dagdagan pa ang pondo sakaling maubos ito bago matapos ang taon, habang hinihikayat ang MSMEs na gamitin ang programa para mapalago at mapalakas ang kanilang operasyon.
Sa gitna ng hindi tiyak na global economic environment, umaasa ang ahensya na magsisilbing tulong ang pondo para manatiling matatag ang sektor ng maliliit na negosyo sa bansa.