Dumarami ang nabibiktima ng online booking scam matapos mabudol ang isang 30-anyos na babae ng halos P19,000 sa isang pekeng Facebook page ng resort “Marilag Villa Beach House” na umano’y matatagpuan sa Calatagan, Batangas.





Ayon sa biktima, nag-inquire siya noong March 21 para sa booking ng April 4 at naging mabilis ang transaksyon sa chat.
Agad siyang pinadalhan ng mga dokumento gaya ng business permit at DTI registration upang magmukhang lehitimo ang resort. Sinabihan din siyang mag-full payment agad dahil may iba pang umano’y kumukuha ng parehong schedule.
Dahil sa pagmamadali at kagustuhang makakuha ng slot sa petsang iyon dahil punuan na, agad siyang nagbayad.
Dagdag pa ng biktima, napaniwala siya dahil bank transfer ang bayad at naka-pangalan umano sa isang Landbank account ang sinasabing business.
Ayon pa sa biktima, lumalabas ding rehistrado ang pangalan ng negosyo sa DTI website, kung saan nakapangalan umano kay Carolina Cares Lopez ang “Marilag Villa Beach House,” dahilan para lalo siyang magtiwala sa transaksyon.
Nabunyag ang scam nang puntahan nila ang lokasyon na kung saan bakanteng lote lamang ang kanilang nadatnan at walang anumang resort na katulad ng nasa mga larawan online.
Ayon pa sa biktima, nakausap pa nila ang isang barangay official sa lugar na nagsabing marami na ring nabiktima lalo na noong nagsimula ang Holy Week, at iisa ang tinutukoy—ang “Marilag Villa Beach House.”
Sa imbestigasyon, lumabas na ang mga ginamit na larawan ay ninakaw mula sa tunay na resort na Sam Xanders Stone Beach Villa sa Pinamungahan, Cebu. May indikasyon din na ginamitan ng AI-generated materials ang mga pubmats upang magmukhang kapani-paniwala ang pekeng Facebook page.
Sa kasalukuyan, tinatayang mahigit 30 na ang nabibiktima ng parehong modus na target ang mga nagbabalak magbakasyon ngayong summer at nakakulimbat na ng mahigit kalahating milyong piso.
Bagamat hindi na makikita ang Fb page ng scammer, posibleng nag-deactivate lang umano ito at upang makapangloko muli.
Nagpaalala ang Batangas Police sa publiko na maging mapanuri sa online bookings, iwasan ang agarang pagbabayad lalo na kung hindi beripikado ang kausap, at piliin ang mga kilala at lehitimong booking platforms. Agad ding i-report sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang transaksyon.
Samantala, naglabas na ang Batangas PTCAO 2026 ng listahan ng mga rehistrado at lehitimong beach at resort sa probinsya bilang gabay ng publiko sa ligtas na pagpili ng destinasyon ngayong summer season.
