Sa gitna ng panawagan na bawasan ang presyo ng krudo, sinabi ng Department of Energy na hindi basta-basta maaalis ang VAT sa petroleum products dahil ito ay nakasaad sa batas. Ayon kay Sharon Garin, kailangan muna itong amyendahan ng Kongreso bago matanggal.
Paliwanag niya, dahil bahagi ito ng National Internal Revenue Code, tanging lehislasyon din ang paraan para alisin ang buwis. Gayunman, may posibleng epekto ito sa pondo ng gobyerno, na tinatayang aabot sa humigit-kumulang ₱170 bilyon kada taon ang mawawala sa koleksyon.
Samantala, tiniyak ng DOE na patuloy ang pagbabantay sa mga gas station at oil companies laban sa overpricing at hoarding, lalo na sa gitna ng tensyon sa Middle East na nakaaapekto sa suplay ng langis. Alinsunod din ito sa mga direktiba sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr..
Ayon sa ahensya, bumaba na ang mga naitatalang paglabag at mas naging stable ang suplay, habang patuloy ding nire-review ang galaw ng presyo sa merkado.