Nahuli ng intelligence operatives ng Bureau of Immigration ang isang Chinese national na nagpapanggap na Pilipino sa Barangay Malainin, Ibaan, Batangas.
Kinilala ang suspek na si Zhou Jianxiao, 35, na gumagamit ng alias na “Donny Flores Zhou” sa kanyang driver’s license kung saan nakasaad na siya ay Filipino. Ayon sa imbestigasyon, siya ang namamahala sa isang warehouse sa lugar.
Sa follow-up inspection, nadakip din ang tatlo pang Chinese nationals na sina Li Qican, Ji Jingui, at Chen Longlong dahil sa iba’t ibang immigration violations gaya ng overstaying at illegal na pagtatrabaho.
Lumilitaw sa kaso ang patuloy na isyu ng paggamit ng pekeng identidad upang makapasok at makapag-operate sa mga komunidad, na ikinukumpara sa kontrobersiyang kinasangkutan ni Alice Guo.
Sa ngayon, hawak na ng mga awtoridad ang mga suspek habang patuloy ang imbestigasyon sa posibleng mas malawak na network ng ganitong operasyon.