
Ginanap ng Batangas State University o BatStateU, The National Engineering University ang kanilang ika-123 Charter Day sa Gov. Feliciano “Sanoy” Leviste Memorial Multi-Purpose Gymnasium, Pablo Borbon Campus sa Batangas City ngayong April 13, 2026.

Sa temang “BatStateU@123: Upholding the CORE, Engineering the Future,” tampok ang opisyal na paglulunsad ng University CORE o Cultivating One Red Spartan Ethos na isang milestone program na magsisilbing pundasyon ng values, kultura, at iisang direksyon ng Red Spartan community.

Kabilang sa highlights ang audio-visual presentation na “CORE in the Making,” official launch ng CORE, flash mob ng BatStateU Dance Company, turnover ng CORE Primer sa stakeholders, at ang sabayang Red Spartan CORE Pledge bilang simbolo ng pagkakaisa at commitment sa values-driven leadership.

Pinangunahan ni University President, Dr. Tirso A. Ronquillo, ang State of the National Engineering University Address o SONA, kung saan binigyang-diin ang paglalakbay ng unibersidad mula sa 123 taong legacy tungo sa hinaharap ng engineering innovation.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Ronquillo na ang selebrasyon ay hindi lamang pag-uulat ng mga nakamit kundi sa naging direksyon ng unibersidad “hindi lang kung ano ang nagawa natin, kundi kung anong klaseng unibersidad ang ating binubuo.”
Binalikan din niya ang makasaysayang pagkilala sa BatStateU bilang National Engineering University noong April 11, 2022 sa bisa ng Republic Act 11694, na aniya ay hindi lamang pagbabago ng pangalan kundi isang malaking responsibilidad sa pangunguna sa engineering education at nation-building.
Ipinunto rin ang limang strategic pillars ng unibersidad—global academic leadership, transformative education, research and innovation, internationalization, at sustainability—na nakaangkla sa kanilang development plan 2023 hanggang 2027 para sa engineering excellence at pambansang kaunlaran.
Ayon kay Ronquillo, ang pagiging national university ay hindi lamang karangalan kundi isang tungkulin.
“Higit sa karangalan ay katungkulan,” aniya, na dapat pasanin ng bawat miyembro ng unibersidad bilang ambag sa patuloy na paghubog ng institusyon.

Naging tampok din ang CORE Conversations kasama sina Dr. Ronquillo, Dr. Expedito V. Acorda, Mr. Aurelio Uapal Jr., Dr. Vaberlie P. Mandane-Garcia at Dr. Felix M. Panopio, na tumalakay sa leadership, serbisyo, at hinaharap ng BatStateU.

Bahagi rin ng selebrasyon ang Red Spartan Integrity Walk, Makabayan Fair, quiz show, at iba pang cultural at student engagement activities, bago magtapos sa Red Spartan Rhythms OPM concert.

Ayon sa pamunuan, ang selebrasyon ay hindi lamang paggunita sa 123 taon at ika-4 na taon bilang National Engineering University, kundi pagpapatibay ng commitment sa innovation, excellence, at aktibong ambag sa nation-building. | JMP, BChannel News