Bumagal sa 2.8 percent ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa unang quarter ng taon, mas mababa sa inaasahang 3.5 percent ng ilang economists, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Sinabi ni Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na nakaapekto rito ang kombinasyon ng global at lokal na hamon, kabilang ang tensyon sa Middle East na nagtulak sa pagtaas ng oil prices, problema sa supply chain, at pagkaantala sa pagpasa ng national budget.
Dahil dito, humina rin ang household spending o paggastos ng mga pamilya, habang bumaba ang investment growth, senyales ng pag-iingat ng ilang investors sa gitna ng uncertainty.
Sa kabila nito, tumaas ang government spending, partikular sa planong pagpapabilis ng infrastructure at iba pang public projects upang maibalik ang mas malakas na economic momentum sa susunod na mga buwan.
Kasabay ng mas mabagal na GDP growth, sumirit din sa 7.2 percent ang inflation noong Abril—pinakamataas sa loob ng tatlong taon—dulot ng pagmahal ng produktong petrolyo.
Ayon sa mga opisyal, nananatiling hamon ang global instability, ngunit target pa rin ng gobyerno na palakasin ang ekonomiya habang binabalanse ang epekto ng tumataas na presyo sa mga Pilipino.