Sugatan ang isang 28-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng suspek habang bumibiyahe sakay ng motorsiklo sa Brgy. San Gregorio sa bayan ng Laurel, Batangas madaling araw ng Martes.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente bandang ala-1:35 ng madaling araw nitong May 19. Habang binabagtas umano ng biktimang si Marvin, residente ng Brgy. Sta. Maria, ang lugar, bigla na lang siyang pinagbabaril nang ilang beses ng suspek na sakay ng isang SUV.
Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang suspek patungong Tagaytay City.
Isinugod naman ang biktima sa pagamutan sa Laurel bago inilipat sa Batangas Medical Center para operahan at alisin ang mga bala sa kanyang katawan.
Sa follow-up operation ng Laurel Municipal Police Station kasama ang Batangas Provincial Intelligence Unit at Sta. Teresita Municipal Police Station, agad na naaresto ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaril at ang posibleng pagkakasangkot ng iba pang suspek sa insidente.