Nagsampa ng reklamo ang Department of Agriculture o DA laban sa ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways at ilang contractors dahil sa umano’y walong “ghost” farm-to-market road projects sa Davao Occidental na nagkakahalaga ng halos P94 million.
Ayon sa DA, may mga proyektong binayaran umano nang buo kahit hindi naman naisagawa sa ilang barangay sa Jose Abad Santos at iba pang lugar sa lalawigan. Kabilang dito ang isang proyekto sa Brgy. Caburan na umabot sa halos P12 million.
Base sa reklamo, pinaniniwalaang may mga dokumentong pineke tulad ng accomplishment reports, payment certificates, at disbursement vouchers para palabasing tapos na ang mga proyekto at makapaglabas ng pondo ang gobyerno.
Kasama sa kinasuhan ang ilang opisyal ng DPWH at mga private contractors na sangkot umano sa implementasyon ng mga proyekto.
Sinabi naman ng DA na magpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon para malaman kung may iba pang sangkot sa umano’y anomalya. Posible ring humarap sa kasong graft, falsification, at malversation ang mga respondent kapag napatunayang may paglabag.