Umabot na sa 10 katao ang nasawi matapos matabunan ng landslide ang ilang kabahayan sa Sitio Fundao, Barangay Poblacion, Malapatan, Sarangani nitong madaling araw ng Hulyo 10.
Ayon sa paunang ulat ng MDRRMO Malapatan, nangyari ang pagguho ng lupa bandang alas-4 ng umaga kasabay ng malakas na pag-ulan na dulot ng Habagat na pinalalakas ng Bagyong Inday.
Isang 31-anyos na lalaki naman ang nailigtas mula sa lugar at agad na isinugod sa ospital para sa agarang gamutan.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang search, rescue, at retrieval operations sa Sitio Blesong Fandaw, kung saan ilang bahay ang natabunan ng gumuhong lupa.
Ayon kay Mayor Sumbo, patuloy pang hinahanap ng mga responder ang ilan pang residenteng pinaniniwalaang na-trap sa ilalim ng mga debris habang nagpapatuloy ang masamang panahon sa Sarangani.