Mas mataas na cash grant na ang natatanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa ilalim ng First 1,000 Days o F1KD Program.
Mula ₱350, itinaas na sa ₱750 kada buwan ang dagdag na tulong para sa mga buntis at mga pamilyang may maliliit na bata. Nagsimula ang unang payout noong July 9, kung saan mahigit 5,500 bagong benepisyaryo ang unang nakatanggap ng mas mataas na halaga.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development, inaasahang aabot sa mahigit 180,000 benepisyaryo sa buong bansa ang makikinabang sa dagdag na ayuda ngayong taon.
Layunin ng programa na matulungan ang mga pamilya sa gastusin para sa pagkain, bitamina, gamot, at iba pang pangangailangan ng mga buntis at batang nasa kanilang unang 1,000 araw ng buhay, na mahalaga para sa kanilang paglaki at kalusugan.