Lumalawak ang panawagan para repasuhin ang system loss charge sa electric bill matapos maghain si Senador Erwin Tulfo ng mga panukala sa Senado kasunod ng ika-5 SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa mga inihain ang isang resolusyon para imbestigahan ang pagpapasa ng system loss charges sa mga konsyumer sa ilalim ng Republic Act No. 9136 o Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001, gayundin ang mga panukalang amyendahan ang batas, alisin ang VAT sa system loss charge, at ipawalang-bisa ang Energy Tax Law.
Kasabay nito, nagpahayag ng kahandaan ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Meralco na makiisa sa mga pag-uusap kaugnay ng mga posibleng reporma sa sektor ng kuryente. Ayon sa ERC, mahalagang maisulong ang mga hakbang na makababawas sa gastos ng mga consumer habang pinananatili ang maayos na operasyon ng mga distribution utility.
Samantala, sinabi ng Meralco na ang system loss ay bahagi ng proseso ng paghahatid ng kuryente sa buong power industry. Ayon sa kumpanya, patuloy itong namumuhunan sa modernisasyon ng network at napapanatili ang system loss na mas mababa sa 6.5 percent cap na itinakda ng ERC.
Nakatakda namang ipagpatuloy sa Huwebes ang mga talakayan sa usapin ng enerhiya kasama ang mga power generator at distribution utility upang suriin ang mga posibleng pagbabago sa kasalukuyang sistema ng paniningil sa kuryente. | BChannel News