Higit 100 katao ang nasawi matapos gumuho ang isang artisanal gold mine sa nayon ng Zamboye, western Central African Republic, malapit sa hangganan ng Cameroon.
Nangyari ang landslide nitong Martes ng hapon, kung saan bumagsak ang lupa mula sa minahan at natabunan ang mga minero.
Ayon sa mga rescuers at lokal na opisyal, mahigit 100 bangkay na ang narekober, habang hindi pa matukoy ang kabuuang bilang ng mga taong nasa minahan nang mangyari ang insidente.
Tinatayang may mga mamamayan ng Central African Republic at Cameroon sa lugar. Hindi bababa sa tatlong Cameroonian ang kumpirmadong kabilang sa mga nasawi.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng sanhi ng trahedya ang pagguho ng ilang underground tunnels na ginagamit ng mga minero.
Patuloy ang retrieval operation para mahanap ang iba pang biktima at posibleng survivors, ngunit inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng nasawi.
Karaniwan ang maliliit na artisanal mine sa ilang bahagi ng Africa, ngunit madalas itong may mahinang safety standards. | BChannel News