Isinusulong sa Senado ang panukalang magtataas sa P1,000 kada buwan ang social pension para sa mga qualified senior citizens na mababa o walang regular na pension.
Sa Senate Bill 269, sakop ang mga senior citizen na walang natatanggap na social pension, o may pension na hindi lalampas sa P3,000 kada buwan.
Layunin ng panukala na magkaroon ng mas regular na financial support ang mga senior para sa kanilang basic needs, kabilang ang pagkain, gamot, bayarin sa kuryente at tubig, transportation, at emergency expenses.
Ayon kay Senator Bam Aquino, may mga senior na nahihirapang maghanap o magpatuloy sa trabaho pagdating ng edad na 60 pataas dahil sa physical limitations, discrimination dahil sa edad, at kakulangan ng trabaho na angkop sa kanilang kakayahan.
Iginiit ni Aquino na makatutulong ang regular na pension hindi lamang sa mga senior kundi pati sa kanilang mga pamilya. Kapag may sariling pinagkukunan ng pera ang matatanda, maaari nitong mabawasan ang gastusin na kailangang sagutin ng kanilang mga anak o ibang miyembro ng pamilya.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon din ang beneficiaries ng mas predictable na income, para mas maayos nilang mapagplanuhan kung saan gagamitin ang kanilang natatanggap na pension.
Sinabi ni Aquino na malaki ang naging ambag ng senior citizens sa bansa at dapat umano silang mabigyan ng sapat na suporta habang tumatanda.
Pero dahil panukalang batas pa lamang ang Senate Bill 269, hindi pa ito dagdag na pension na agad matatanggap ng mga senior citizens. Kailangan muna nitong dumaan sa proseso ng Senado at iba pang hakbang sa paggawa ng batas bago ito maging epektibo.