Umabot na sa 5,835 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa Pilipinas mula January hanggang August ngayong taon, habang 358 na ang namatay dahil sa bacterial disease.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa National Capital Region, Cagayan Valley at Central Luzon, ayon sa Department of Health.
Bagama’t mas mababa ito kumpara sa 7,187 cases na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, sinabi ng DOH na nasa 2.9 percent ang case fatality rate ngayong taon.
Sa NCR, 34 na ang naiulat na nasawi, at karamihan sa mga ito ay adults.
Sa San Lazaro Hospital naman, nasa 20 o higit pang pasyente kada araw ang na-admit nitong nakaraang linggo.
Dahil sa pagdami ng pasyente, nagpatupad na rin ang ilang DOH facilities ng dedicated fast lanes para mas mapabilis ang pagtugon sa mga nagpapatingin.
Samantala, nagbabala ang infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante na posibleng magkaroon ng second wave ng leptospirosis infections mula September 5 hanggang 8.
Iniuugnay ito sa malawakang pagbaha at patuloy na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang leptospirosis ay bacterial infection na maaaring makuha kapag ang sugat o balat ay nalantad sa tubig o putik na kontaminado ng ihi ng infected animals, kabilang ang daga.