May government-approved vaccine na laban sa African Swine Fever o ASF na maaari nang ibenta sa Pilipinas, matapos aprubahan ng Bureau of Animal Industry ang AVAC live vaccine mula Vietnam.
Ito ang unang ASF vaccine na nakakuha ng approval para sa commercial use sa bansa, pitong taon matapos unang tumama ang ASF sa local hog industry.
Ayon sa Department of Agriculture, gagamitin ang vaccination bilang bahagi ng repopulation program para maprotektahan ang malulusog na baboy at makatulong sa pagbawi ng industriya.
Pero malaking tanong pa rin ang access para sa maliliit na hog raisers. Ayon sa DA, humihingi ito ng humigit-kumulang one billion pesos para ma-subsidize ang vaccination program para sa backyard farms.

Samantala, sinusuri pa ang PROVAC, isang ASF vaccine na gawa sa South Korea, na posibleng maging karagdagang option para sa mga raisers simula next year.
Mula nang magsimula ang ASF outbreak noong 2019, bumaba sa tinatayang walong milyon ang hog population ng bansa mula sa dating 13 milyon. Ayon sa BAI, kumalat na ang ASF sa 76 sa 82 probinsya.
Kasabay ng vaccination, patuloy ding isinasagawa ang disease monitoring, biosecurity, movement control at targeted restocking para mapabawi ang hog population.