Pansamantalang sinuspinde ng Department of Agriculture o DA ang export ng fresh purple yam o ube, dahil kulang pa ang planting materials na kailangan ng mga lokal na magsasaka.
Ipinatupad ng Bureau of Plant Industry o BPI ang suspension noong kalagitnaan ng Agosto at indefinite o walang itinakdang petsa kung kailan ito matatapos. Sakop nito ang fresh ube at mga planting materials, maging para sa pagkain, pagtatanim o research.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kailangan munang manatili sa Pilipinas ang planting materials habang pinapalakas ang local production. Aniya, kulang pa mismo ang bansa sa materyales para makapagtanim ng mas maraming ube.
Mataas ang demand sa Philippine ube, hindi lang bilang fresh produce kundi pati sa powder, halaya, jam at paste. May mga produkto na ring umaabot sa Canada, Middle East at ilang bahagi ng Asia, habang target ding palawakin ang market sa United States, South Korea at Europe.
Para mapalakas ang industriya, inaprubahan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang P300 million budget para sa ube industry sa 2027.
Kasabay nito, minamapa ng DA at University of the Philippines Los Baños ang genetic profile ng Philippine ube varieties para maprotektahan ang native varieties, mapatunayan ang authenticity ng produkto at makatulong sa pagbuo ng mas mataas ang ani at mas matibay na varieties.
Samantala, pinaghahandaan din ang tissue culture, community nurseries at mini-set propagation para dumami ang quality planting materials.