Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Digitally restored “Sister Stella L.” muling napanood; Governor Vilma Santos, naging emosyonal

Matapos ang restored screening ng 1984 film na Sister Stella L. sa Metropolitan Theater sa Maynila, nagsalita si Batangas Governor at actress Vilma Santos tungkol sa usapin ng National Artist at sa mga bagay na mas mahalaga sa kanya ngayon.

Sa talkback session kasama si Laurice Guillen, sinabi ni Ate Vi na after 63 years sa entertainment industry, malaking regalo na para sa kanya ang pagmamahal at pagkilala na natanggap niya mula sa industriya at publiko.

Aniya, kung hindi man siya napabilang sa latest batch ng National Artists, tinatanggap niya ito at naniniwalang may mga bagay na hindi talaga nakalaan para sa isang tao.

Sa edad na 72, sinabi ni Ate Vi na tatlo na ang pangunahing priority niya: ang kanyang pamilya, ang health ng mga taong mahal niya, at ang pagprotekta sa kanyang peace.

Dahil governor din siya ng Batangas, sinabi niyang mas gusto muna niyang ipagpatuloy ang serbisyo sa mga Batangueño kaysa isipin kung magiging hadlang ito sa posibilidad na maging National Artist.

May dalawa at walong buwan pa umano siyang natitirang termino, at nais niyang ibalik sa mga Batangueño ang tiwalang ibinigay sa kanya.

Samantala, naging emotional si Ate Vi habang pinapanood ang restored Sister Stella L, dahil marami sa mga naging bahagi ng pelikula ang pumanaw na, kabilang ang direktor nitong si Mike Pamintuan de Leon at producer na si Mother Lily Monteverde.

Bahagi ang screening ng Philippine Film Industry Month ngayong Setyembre, na naglalayong muling ipakilala sa bagong audience ang mahahalagang pelikula ng Philippine cinema.

Layunin ng restoration na mapanatili ang pelikula para mapanood pa ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon. Isinagawa ito sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA, Film Development Council of the Philippines o FDCP, Philippine Film Archive, Regal Films, at L’Immagine Ritrovata. | BChannel News