Namataan ng Philippine Coast Guard o PCG ang isang Chinese research vessel na JIA HAI KE 7, na nakahinto o lying-to sa bahagi ng Philippine exclusive economic zone o EEZ, northwest ng Itbayat, Batanes.
Ayon sa PCG, nasa 37.84 nautical miles ang barko mula sa Itbayat nang makita ito sa isang Maritime Domain Awareness flight nitong umaga.
Ilang beses itong tinawag sa radyo ng PCG, para alamin ang layunin nito at ipaalam ang Philippine sovereign rights sa lugar. Pero ayon sa Coast Guard, wala itong naging tugon sa mga radio challenge.
Mas napansin din ng PCG ang galaw ng barko dahil hindi ito tuloy-tuloy na naglalayag. Sa halip, nananatili ito sa isang lugar, na ayon sa Coast Guard ay maaaring indikasyon ng marine scientific research activity.
Mas naging usapin din ang Automatic Identification System o AIS ng barko. Ayon sa PCG, may nakita silang hindi tugmang location data. Noong September 21, nag-report ang barko na umalis sa Xiamen, Fujian, pero ilang oras lang matapos nito, lumabas ang signal nito sa Papua New Guinea, na mahigit 2,000 nautical miles ang layo.
Sinabi ng PCG na posibleng AIS spoofing ito para maitago ang tunay na galaw ng barko.
Ang JIA HAI KE 7 ay may 2,000-ton capacity, 70 meters ang haba, at inilagay sa serbisyo noong April 2025.
Patuloy itong imo-monitor ng PCG gamit ang monitoring stations, Dark Vessel Detection system at mga follow-up aerial flights.