Pinagtutuunang pansin ng Pamahalaang Lalawigan ng Batangas ang paggamit ng mga benepisyong nakalaan sa mga komunidad na nagho-host ng energy facilities sa Batangas.
Ito ang naging sentro ng consultation meeting tungkol sa Energy Regulations o ER 1-94 at Department of Energy Department Circular No. 2025-10-0023, na isinagawa nitong September 29, 2026 sa PCLEDO Building, Capitol Compound, Batangas City.
Sa ilalim ng consultation, pinag-uusapan kung paano mas maayos na maipatutupad at mapamamahalaan ang mga benepisyo para sa host communities.
Kabilang sa mga tinalakay ang pakikipag-ugnayan sa Department of Energy o DOE at mga generation companies para matukoy kung anong mga proyekto ang maaaring ilaan batay sa pangangailangan ng mga komunidad na malapit o nagho-host ng energy facilities.
Layunin nitong matiyak na ang mga benepisyo ay maisasalin sa mga programang makatutugon sa aktuwal na pangangailangan ng host communities.
Dumalo sa consultation sina Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, PCLEDO Department Head Celia Atienza, at iba pang department heads ng Kapitolyo.
Ang ER 1-94 ay bahagi ng mga patakaran ng Department of Energy na may kaugnayan sa mga benepisyong ipinagkakaloob sa mga komunidad na host ng energy facilities.