Opens in a new tab
Skip to content
International

Piloto, sinaksak ng co-pilot; flight nag-emergency landing sa Saudi Arabia

Naging kritikal ang biyahe ng Flydubai Flight FZ1073 mula Dubai patungong Tel Aviv matapos ang isang insidente sa loob ng cockpit na nagresulta sa emergency landing sa Saudi Arabia.

Ayon sa Israeli officials, sinaksak umano ng co-pilot ang piloto at tinangka umanong guluhin ang controls ng eroplano. Iniimbestigahan pa ang motibo sa insidente.

Batay sa pahayag ng Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, nagsimulang bumaba at umikot ang eroplano matapos ang insidente. May passenger at crew member na nakapasok sa cockpit at tumulong na mapigilan ang co-pilot.

Kinilala ni Netanyahu bilang hero ang passenger na si Yaniv Hayun. Ayon kay Hayun, hinawakan niya ang attacker at tinulungan siyang ilabas ng cockpit habang ibang passengers naman ang sumubok na pumigil sa kanya.

Sinabi rin ni Hayun na sinubukan niyang hilahin ang controls hanggang sa muling ma-level ang eroplano at makontrol ito ng isa pang piloto.

Ang flight ay may at least 150 katao, at ayon kay Netanyahu, halos lahat ng passengers ay Israelis. Sa flight-tracking data, mabilis na bumaba ang eroplano nang mahigit 17-thousand feet o higit 5-thousand meters sa loob ng wala pang dalawang minuto.

Nagpadala rin ito ng emergency signal bago nagpalit sa code na ginagamit para sa posibleng hijacking.

Dahil dito, nag-divert ang flight sa Tabuk Airport sa northwestern Saudi Arabia at lumapag bandang 6:58 A.M. Ang co-pilot ay inaresto at iniimbestigahan ng Saudi authorities.

Samantala, isinugod sa ospital ang sinaksak na piloto na si Indian national Captain Smit Machchhar. Ayon sa Indian Embassy, stable ang kanyang kondisyon.

Makalipas ang higit 10 oras, nakarating sa Ben Gurion Airport sa Tel Aviv ang mga pasahero sakay ng replacement Flydubai aircraft.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente, kabilang ang motibo sa nangyari.