Hindi lang election date ang maaaring maapektuhan kung maglalabas ng Temporary Restraining Order o TRO ang Supreme Court laban sa postponement ng 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kailangang muling ayusin ng poll body ang ilang bahagi ng election preparations kung ibabalik ang halalan sa November 2, 2026.
Kabilang dito ang paghahain ng Certificate of Candidacy o COC at ang pagbibigay ng bagong impormasyon sa mga kandidato at botante. Tinatayang maaaring umabot ng dalawang linggo ang information dissemination.
Kailangan ding ihanda at ipadala ang election paraphernalia sa iba’t ibang lugar, kabilang ang Visayas at Mindanao.
Dahil sa mga kailangang ayusin, sinabi ni Garcia na magiging limitado ang oras ng Comelec para maisagawa ang lahat ng preparasyon bago ang November 2.
Samantala, kahit magkaroon ng TRO, magpapatuloy ang iba pang election-related activities ng Comelec, kabilang ang paghahanda para sa special elections sa Batanes sa November 28 at iba pang plebiscite.
Ang isyu sa postponement ng BSKE 2026 ay kasalukuyang nasa Supreme Court matapos kuwestiyunin sa isang petisyon ang legalidad ng batas na nagpaliban sa halalan.
Pinagkomento na rin ng Korte ang Comelec, Kamara, Senado at Office of the President kaugnay ng naturang petisyon.