Patay ang isang 20-year-old na estudyante matapos matagpuang may mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa Barangay Pinagtungulan, Lipa City, Batangas, nitong October 14, 2026.
Kinilala ang biktima sa pangalang Jazmine, residente ng Barangay Duhatan, Lipa City.
Batay sa imbestigasyon, alas-6:45 ng gabi nang makatanggap ng report ang Barangay Public Safety Officers o BPSOs ng Barangay Duhatan mula sa isang concerned citizen tungkol sa umano’y vehicular incident sa Purok 7, Barangay Pinagtungulan, malapit sa boundary ng Barangay Duhatan.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad at nadatnan ang biktima na nakahandusay sa kalsada at duguan. Agad siyang isinugod sa Metro San Jose Medical Center para sa medical attention.
Gayunman, idineklara siyang dead on arrival matapos matuklasang nagtamo siya ng ilang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Alas-8 naman ng gabi nang opisyal na maiulat ang insidente.
Sa ngayon, hindi pa nakikilala ang suspek. Kabilang sa mga hakbang ng mga awtoridad ang pag-secure at pag-cordon sa crime scene, pag-review sa CCTV footage, at paghingi ng tulong sa Police Forensic Unit o PFU para sa imbestigasyon.
Patuloy pang inaalam ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagkamatay ng biktima.
Nanawagan naman ng hustisya ang mga kaanak at kapamilya ng biktima.| BChannel news