Nakapagtala ang Taal Volcano ng dalawang minor phreatomagmatic eruption, kaya gumagamit ang DOST-PHIVOLCS ng computer simulations para matukoy at mamonitor ang mga komunidad na posibleng maapektuhan ng ashfall.
Batay sa ulat ng ahensya, unang naitala ang pagsabog alas-11:41 ng gabi noong October 21, na nagbuga ng plume at singaw na umabot sa 3,000 meters above the crater.
Sinundan ito ng panibagong minor eruption alas-4:52 ng madaling-araw ngayong October 22, na nagpaangat naman ng plume sa 1,200 meters above the crater. Parehong naitala ang mga pangyayari sa pamamagitan ng thermal at IP cameras sa Daang Kastila at Lower Calauit.
Sa monitoring ng bulkan, dalawang minor phreatomagmatic eruption ang naitala, na tumagal nang dalawa hanggang tatlong minuto. Naitala rin ang dalawang volcanic tremor, na ayon sa inilabas na datos ay may tagal na 2 hanggang 2,115 minuto.
Samantala, umabot sa 575 metric tons per day ang sulfur dioxide emission ng bulkan noong October 21. Naitala rin ang malakas na pagsingaw o steaming activity, habang ang plume ay napadpad sa southeast at east-northeast.
Para matukoy ang posibleng lawak ng ashfall, ginagamit ng DOST-PHIVOLCS ang Ash3D, isang ash dispersion model na tumutulong sa mga volcanologist at lokal na pamahalaan sa pagmonitor at pag-verify ng mga lugar na maaaring maapektuhan. Nakabatay ang computer simulations sa taas ng plume na naitala sa pagsabog.
Sa kabila ng mga aktibidad, nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano.