Nagsampa ng murder complaint ang Batangas Police Provincial Office laban sa 8 respondent kaugnay ng pagpatay kay Sta. Anastacia Barangay Chairman Dennis Tenorio Austria sa Sto. Tomas City, Batangas.
Isinumite ang reklamo sa Office of the City Prosecutor ng Sto. Tomas City noong October 21, 2026, bandang alas-3:19 ng hapon, kaugnay ng paglabag sa Article 248 ng Revised Penal Code, as amended.
Ang mga respondent ay kinilala sa mga alyas na Ben, Arnold, Bernard, Joey, Kevin, Kepoy, Kuya Fernan, at 1st. Iniuugnay sila sa pamamaril na naganap noong October 15, 2026, na ikinasawi ng barangay chairman.
Isa sa mga respondent na si alyas Ben ang naaresto noong October 20, 2026, bandang alas-12:05 ng madaling araw, sa Barangay Balagtasin, San Jose, Batangas, sa isinagawang joint police operation.
Ayon sa mga imbestigador, pinaniniwalaang siya ang nagmaneho ng motorsiklong ginamit sa pagtakas. Sa tulong umano ng CCTV footage at iba pang ebidensya, nakita siyang lumipat sa isang Toyota Vios matapos ang pamamaril. Narekober din ng mga awtoridad ang sasakyan na nakarehistro sa kanyang pangalan.
Samantala, nananatiling at large ang pito pang respondent habang nagpapatuloy ang paghahanap sa kanila. Patuloy rin ang pangangalap at beripikasyon ng mga ebidensya para sa pag-usad ng kaso.
Ayon kay Batangas PPO chief PCOL Oliver B. Ebora, patuloy ang kanilang pagsisikap na makamit ang hustisya para sa biktima sa pamamagitan ng legal na proseso. Hinikayat din niya ang sinumang may impormasyon tungkol sa insidente na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.