Opens in a new tab
Skip to content
Livelihood

Negosyante, dismayado sa CHED at DOE dahil sa ‘di pa rin nababayarang souvenir items para sa ASEAN

Isang small business owner ang nananawagan ngayon sa Commission on Higher Education o CHED at Department of Energy o DOE matapos umanong hindi pa rin nababayaran ang mga souvenir items na ginawa para sa ASEAN-related activities.

Sa isang viral social media post, sinabi ng may-ari ng cultural gift store na minadali silang gumawa ng mga souvenir, ngunit nahihirapan naman silang singilin ang dalawang ahensya matapos ma-deliver ang kanilang mga produkto.

Ayon sa negosyante, siyam na buwan na umanong hindi pa nababayaran ng CHED ang kanilang serbisyo, habang mahigit isang buwan naman ang lumipas mula nang matapos ang transaksyon sa DOE.

Dagdag pa niya, wala umanong naibigay na kahit isang pisong down payment ang dalawang ahensya.

Ibinahagi rin ng business owner na hindi lamang ang kanilang negosyo ang apektado kundi pati ang mga local artisans at communities na kanilang sinusuportahan. Aniya, malaking problema para sa isang maliit na negosyo kapag matagal na hindi naibabalik ang perang inilaan sa produksyon dahil may mga gastusin din silang kailangang bayaran, lalo na ngayong papalapit ang Pasko.

Ipinaliwanag din niya na nagdesisyon siyang ilabas sa publiko ang kanyang hinaing matapos malaman na may iba pang small businesses na nakararanas umano ng kaparehong problema sa government procurement.

Samantala, umani ng libo-libong reactions, shares at comments ang naturang post. Maraming netizens ang nagpahayag ng suporta at nagsabing nakaranas din sila ng matagal na paghihintay sa bayad mula sa ilang government offices.

May ilan ding nakapansin na nakatanggap sila ng souvenir giveaways noong February, kaya ikinagulat nilang hindi pa umano nababayaran ang supplier hanggang ngayon.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang CHED at DOE kaugnay ng reklamo ng negosyante.