Naka-Full Alert Status na ang Police Regional Office 4A simula alas-12:01 ng madaling araw nitong October 29, bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo at iba pang public places ngayong Undas.
Aabot sa 12,297 personnel at augmentation forces ang ipakakalat sa buong CALABARZON. Kabilang dito ang 5,561 PNP personnel, 1,218 augmentation personnel mula sa iba pang units, at 5,518 force multipliers.
Limang malalaking sementeryo ang partikular na tututukan ng pulisya dahil sa inaasahang pagbisita ng kabuuang 426,000 katao. Kabilang dito ang Manila Memorial Cemetery sa Dasmariñas City, Cavite; Sta. Felomina Cemetery sa Biñan City, Laguna; Eternal Garden sa Balagtas, Batangas City; Sympathy Memorial and Columbarium sa San Isidro, Angono, Rizal; at St. Ferdinand Cemetery sa Ibabang Dupay, Lucena City, Quezon.
Maglalagay rin ang PRO 4A ng 46 Border Control at Strategic Security Control Points, 529 Police Assistance Desks, at 143 Motorist Assistance Centers.
Sakop ng seguridad ang 598 cemeteries, 111 memorial parks, at 42 columbaria sa rehiyon.
Ayon kay PRO 4A Regional Director PBGEN Dominic L. Baccay, mananatiling visible at alerto ang mga pulis upang agad na rumesponde sa anumang emergency o security concerns.
Pinayuhan naman ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad o emergency sa pinakamalapit na Police Assistance Desk o emergency hotline.
Layunin ng Ligtas Undas 2026 na matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay sa buong CALABARZON.