Itinalaga ni President Ferdinand Marcos Jr. si Supreme Court Associate Justice Rodil Zalameda bilang ika-28 Chief Justice ng bansa, ayon sa anunsyo ng Malacañang nitong Huwebes, November 5, 2026.
Papalitan ni Zalameda si Chief Justice Alexander Gesmundo na magreretiro na sa November 6, sa edad na 70, alinsunod sa mandatory retirement age ng mga mahistrado.
Pitong taon mananatili sa puwesto si Zalameda, o hanggang August 2033, bago rin umabot sa mandatory retirement age.
Kapansin-pansin naman na nilaktawan ni Marcos ang seniority sa pagpili sa bagong punong mahistrado. Hindi niya pinili ang mas nakatatandang mga mahistrado na sina Senior Associate Justice Marvic Leonen at Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa.
Bago ang kanyang pagkakatalaga, kabilang sa mga naging desisyon ni Zalameda ang ruling ng Supreme Court First Division na nagpawalang-sala kay dating First Lady Imelda Marcos sa pitong counts of graft na may kaugnayan sa Swiss foundations. Binaligtad nito ang 2018 conviction ng Sandiganbayan.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Lino Cayetano, mahigit tatlong dekada nang naglilingkod si Zalameda sa justice system, mula sa pagiging court official at public prosecutor hanggang sa Court of Appeals at Supreme Court.
Umaasa naman ang Pangulo na gagampanan ni Zalameda ang kanyang bagong tungkulin nang may integridad, pagiging patas at pagsunod sa rule of law.
Bilang Chief Justice, pamumunuan niya ang buong hudikatura at gagabay sa direksyon ng Supreme Court kasama ang 14 na associate justices.