Opens in a new tab
Skip to content
National

Mas mahigpit na guidelines sa pag-absent ng mga Senador, isinusulong ni Sotto

Nais ni Sen Vicente “Tito” Sotto III na magkaroon ng mas malinaw na patakaran at posibleng parusa para sa mga senador na matagal na hindi pumapasok sa trabaho nang walang awtorisasyon.

Sa Senate Resolution No. 751 na inihain noong October 27, inirekomenda ni Sotto sa Senate Committee on Rules na pag-aralan at bumuo ng guidelines para matugunan ang prolonged unauthorized absences ng mga miyembro ng Senado.

Ayon kay Sotto, may kakulangan sa kasalukuyang Senate Rules dahil wala itong malinaw na probisyon kung paano haharapin ang mga senador na matagal na lumiliban nang walang pahintulot.

Binigyang-diin din niya na ang hindi pagtupad sa tungkulin ay pag-aaksaya ng pera ng taumbayan at nagdudulot ng pagkadismaya sa publiko. Aniya, ang paghawak ng pampublikong posisyon ay isang tiwala na dapat panagutan.

Ilan sa mga senador na hindi nakadadalo sa mga session ay sina Loren Legarda na naka-medical leave mula August 3, Ronald “Bato” dela Rosa na hindi pumapasok habang nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court, at sina Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta na sumasailalim sa 90-day preventive suspension sa utos ng Sandiganbayan kaugnay ng mga kasong plunder.

Dahil dito, layunin ng resolusyon na magkaroon ng mas malinaw na pamantayan upang matiyak ang pananagutan ng mga senador sa kanilang tungkulin sa publiko.