Mas maraming Pilipino ang nagpaplanong bumiyahe papuntang China, batay sa pagtaas ng bilang ng mga turista at visa applications ngayong 2026.
Ayon sa Chinese Embassy sa Manila, tumaas ng 48.9 percent ang Filipino travelers sa China sa unang kalahati ng taon. Mas mataas din ng 66 percent ang visa applications nitong October kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Samantala, batay sa datos ng Department of Tourism o DOT, umabot sa 234,953 ang mga Pilipinong bumiyahe patungong ibang bansa, kabilang ang China, mula January hanggang September 2026, na katumbas ng 51.04 percent na pagtaas.
Kabilang naman sa mga patok na destinasyon ng Pinoy travelers ang Shanghai at Chongqing, kasabay ng pagdami ng direct flights mula Pilipinas.
Pinayuhan ng Chinese Embassy ang mga aplikante na mag-apply ng visa nang mas maaga upang maiwasan ang dagsa ng mga aplikante. Maaari rin umanong gumamit ng group visa sa pamamagitan ng authorized travel agencies.