Opens in a new tab
Skip to content
Business

Posibleng epekto ng El Niño sa power supply sa 2027, pinaghahandaan na ng NGCP

Pinaghahandaan na ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang posibleng kakulangan sa suplay ng kuryente sa bansa dulot ng El Niño sa 2027.

Kabilang sa mga posibleng maapektuhan ang mga hydroelectric power plant dahil sa inaasahang pagbaba ng produksyon ng kuryente kapag kumonti ang ulan at bumaba ang tubig sa mga reservoir.

Dahil dito, isinusulong ng NGCP ang Project Airbag, isang transmission-side battery storage initiative na layong mag-imbak ng available na kuryente at gamitin ito kapag mataas ang demand o kinakapos ang suplay.

Isa sa mga tinututukan ng programa ang Visayas, na nakararanas ng masikip na power supply dahil sa sabay-sabay na paghinto ng operasyon ng ilang generator.

Sa ilalim ng proyekto, maaaring mag-imbak ng kuryente mula sa mga panahong mataas ang produksyon, gaya ng daytime solar power, at ilabas ito tuwing gabi o oras ng mataas na konsumo.

Layunin din nitong suportahan ang paggamit ng iba’t ibang energy sources, kabilang ang rooftop solar, renewable energy at iba pang distributed energy resources mula sa mga bahay, negosyo at komunidad.

Ayon sa NGCP, makatutulong ang battery storage sa mas mabilis na pagtugon sa pagbabago ng suplay at pangangailangan sa kuryente.

Gayunman, nilinaw ng kumpanya na hindi nito mapapalitan ang pangangailangan sa karagdagang power plants dahil hindi lumilikha ng sariling kuryente ang mga baterya. Isa lamang itong dagdag na suporta upang mapatatag ang power grid habang pinapalawak ang kapasidad sa produksyon ng kuryente sa bansa.