Libo-libong Batangueño ang nagpakita ng kanilang matibay na suporta kay Leandro Legarda Leviste, na tumatakbo bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Batangas sa pagka-kongresista sa darating na halalan sa Mayo 2025.

Sa loob ng dalawang araw na pagpupulong noong Pebrero 28 at Marso 1, 2025, tinatayang mahigit 60,000 katao mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya ng Batangas ang dumalo upang ipahayag ang kanilang pagsuporta sa adbokasiya ni Leviste para sa pag-unlad ng distrito.

Dumalo sa naturang pagtitipon si Senador Loren Legarda upang samahan at suportahan ang kanyang anak sa naturang pagtitipon. Bukod sa kanya, nakiisa rin ang mga kilalang personalidad sa pulitika kabilang sina Senador Imee Marcos, Lito Lapid, Francis Tolentino, Congresswoman Lani Mercado-Revilla na kumatawan kay Senador Bong Revilla, at sina dating Senador Tito Sotto, Ping Lacson, Gringo Honasan, at Manny Pacquiao.

Idinaos ang serye ng programa sa Nasugbu, Balayan, at Taal, kung saan dumalo rin ang mga residente mula sa mga bayan ng Lian, Calatagan, Tuy, Lemery, at Calaca.

Sa kanilang pagbisita, tinalakay ng mga senador ang mahahalagang isyu sa rehiyon, kabilang ang trabaho, imprastraktura, at serbisyong pampubliko.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Leviste ang kahalagahan ng suporta ng pambansang pamahalaan upang mapabilis ang pag-unlad ng Unang Distrito ng Batangas.

Samantala, nanawagan si Senador Loren Legarda ng pagkakaisa sa pagitan ng lokal at pambansang pamahalaan upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga proyekto para sa kapakanan ng mamamayan.
“Ang ganitong klaseng pagkakaisa ay patina na kapag nagtutulungan ang pambansa at lokal na pamahalaan, mas epektibong naipatutupad ang mga programang makakatulong sa ating mga kababayan. Ang Unang Distrito ng Batangas ay may malaking potensyal, kaya mahalaga ang patuloy nating suporta para sa kanilang pag-unlad,” saad ni Legarda. | BChannel NEWS
