Isang babae ang sugatan matapos pagtatagain ng isang lalaki sa Sitio Ilaya, Barangay Bunducan, Nasugbu, Batangas dakong alas-10:00 ng gabi noong Abril 20, 2025.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Nasugbu Municipal Police Station, kinilala ang unang biktima na si Pauline. Habang kinukuha niya ang kanyang mga nilabhang damit, bigla siyang nilapitan ng suspek na si Joseph S. at walang sabi-sabing pinagtataga gamit ang bolo. Tinamaan si Pauline sa kanang bahagi ng kanyang mukha at kamay.
Matapos ang pananaga, nagawang tumakas ni Pauline at doon niya nakita ang isa pang biktima na si Wilfredo na tinangka ring habulin ng suspek. Sa kabutihang-palad, nakatakas si Wilfredo at hindi nasaktan.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Nasugbu MPS na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek. Narekober din ang bolo na ginamit sa krimen.
Ayon sa mga awtoridad, personal na alitan ang itinuturong motibo sa pananaga. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng insidente. | BChannel NEWS