Muling pinatunayan ng The Lipa Choral Ensemble (TLCE) ang husay at galing ng musikang Pilipino matapos mag-uwi ng dalawang Golden Awards (Level III) sa ginanap na 8th Vietnam International Choir Competition na ginanap mula Abril 8 hanggang 13, 2025 sa Hoi An, Vietnam.




Sa pamumuno ng kanilang choirmaster na si G. Eric C. Kalaw, matagumpay na kinatawan ng TLCE ang Pilipinas sa dalawang kategorya—Sacred Music at Folk Music—kung saan sila’y parehong ginawaran ng Gold Diplomas (Level III).
Ang mga kategoryang ito ay kabilang sa kompetisyon, na naglalayong ipakita ang teknikal na kahusayan at natatanging kultura ng bawat kalahok.
Isa lamang ang TLCE sa limang piling grupong Pilipino na napili upang lumahok sa prestihiyosong kumpetisyon, dala ang bandilang Pilipino at ipinamalas ang sining at kulturang lokal sa pandaigdigang entablado.
Ang kumpetisyon ay nilahukan ng mahigit 1,000 mang-aawit mula sa 29 na choir ensembles na kumatawan sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas, Canada, Poland, South Korea, Singapore, Thailand, Malaysia, Indonesia, at Vietnam.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na lumahok ang grupo sa isang internasyonal na patimpalak, kasunod ng kanilang matagumpay na paglahok sa 16th Malaysian Choral Eisteddfod sa Kuala Lumpur noong Nobyembre 2018.
Itinatag noong Agosto 1974, ang TLCE ay higit 50 taon nang nagsusulong ng makabuluhang musika hindi lamang sa simbahan kundi maging sa komunidad.
Kilala rin ang grupo sa kanilang mga gawaing panlipunan at mga fund-raising activities upang tumulong sa mga nangangailangan. Sila rin ang regular na koro tuwing 7:00 PM Sunday English Mass sa Metropolitan Cathedral of San Sebastian sa Archdiocese of Lipa.
Bilang bahagi ng kanilang ika-50 anibersaryo, patuloy na isinusulong ng TLCE ang kanilang misyon na maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng musika, sa pamamagitan ng mga konsiyerto at kompetisyon sa loob at labas ng bansa. | BChannel NEWS