Isang babae ang patay matapos umanong saksakin ng sarili nitong live-in partner sa kahabaan ng Quezon Avenue, Brgy. Poblacion 5, Sariaya, Quezon, bandang alas-2:40 ng hapon ng Mayo 28.
Ayon sa Sariaya Municipal Police Station, lumalabas na halos dalawang oras umanong palakad-lakad sa lugar ang biktima na si Annalyn, 40 anyos, mula sa Brgy. Janagdong 2, habang tila may hinihintay.
Dumating naman kalaunan ang suspek na kinilalang si Ian, 38 anyos, walang trabaho at naninirahan din sa parehong barangay. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa, at bigla na lamang umanong bumunot ng patalim ang suspek at paulit-ulit na sinaksak ang biktima bago tumakas.
Agad na rumesponde ang mga bystander at tumawag ng tulong sa Sariaya Emergency Response Team. Isinugod si Annalyn sa Hospital sa Brgy. Poblacion 1 ngunit idineklara na siyang dead on arrival.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon sa insidente at isinasagawa ang follow-up operations upang madakip ang tumakas na suspek. Inaalam na rin ang puno’t dulo ng mainitang pagtatalo sa naturang krimen. | BChannel NEWS