Isang lalaki ang nasawi matapos ang banggaan ng motorsiklo at SUV sa Bucal Bypass Road, Brgy. Lamesa, Calamba City, Laguna bandang 7:30 ng umaga, July 11.
Sa panimulang imbestigasyon ng Calamba City Police Station, mabilis umanong umaandar ang motorsiklo nang bigla itong lumihis papunta sa kabilang lane, dahilan upang sumalpok ito sa harapan ng isang paparating na SUV na minamaneho ng 37-taong gulang na si Princess.
Ayon sa mga awtoridad, nasa tamang lane ang SUV nang biglang nag-counterflow ang motorsiklo.
Sa lakas ng salpukan, tumilapon ang driver ng motorsiklo sa kalsada at nagtamo ng malubhang physical injuries. Agad naman siyang sinaklolohan ng Calamba DRRMO at isinugod sa JP Rizal Memorial Hospital.
Kinilala ang driver ng motorsiklo na si Jay-D, 27-anyos, na ‘di kalaunan ay idineklarang Dead on Arrival bandang 7:45 ng umaga.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. | BChannel NEWS/A.Simara