Nagpahayag ng kanyang paninindigan si Senador Bam Aquino tungkol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Aquino, “Malinaw ang mandato ng Konstitusyon at kapangyarihan ng Senado, kaya’t nararapat lamang na igalang ito at ituloy ang proseso ng impeachment.”
Nanawagan din si Aquino sa mga kasamahan niyang senador na magsagawa ng caucus para pag-usapan ang desisyon ng Korte Suprema na aniya’y tila binabalewala ang kanilang papel sa Saligang Batas.
Sa kanyang paghahanda, sinabi ng senador na handa siyang magsilbing senator-judge at nagsagawa na siya ng konsultasyon sa mga eksperto at abogado upang maihanda ang sarili para sa trial.
Samantala, kamakailan lang ay naglabas ng desisyon ang Korte Suprema hinggil sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Supreme Court, ipinagbabawal na ang patuloy na impeachment proceedings laban kay Duterte dahil sa one-year rule na itinakda ng 1987 Constitution.
Inanunsyo ng SC na bagama’t pinigilan nila ang impeachment, maaaring mag-file ulit ng bagong impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte mula Pebrero 2026, matapos ang isang taon.
Ayon kay Supreme Court spokesperson Camille Ting, “The SC has ruled that the House impeachment complaint versus VP Sara Duterte is barred by the one-year rule and that due process or fairness applies in all stages of the impeachment process.”
Apat na complaints ang isinampa laban kay Duterte sa House of Representatives, pero tatlo sa mga ito ay hindi natuloy. Ang pang-apat na complaint naman ay naaprubahan at ipinasa sa Senate.
Pinagtibay ng SC ang argumento ni VP Duterte na nilabag ang one-year rule dahil hindi agad ipinasa ni House Secretary General Reginald Velasco ang verified impeachment complaints sa Speaker ng Kamara.
Sa ngayon, hindi pa tapos ang laban sa impeachment case ni VP Duterte, at maghihintay pa hanggang Pebrero 2026 bago ito muling maging posibleng isampa.