Isang bangkay ng LGBTQ+ na isa ring PWD ang natagpuan sa Purok 3, Brgy. Tangway, Lipa City, Batangas nitong Agosto 9.
Ayon sa imbestigasyon ng Lipa Police, bandang 12:40 AM ng parehong araw, nakita sa CCTV footage ang suspek na kasama ang biktima na si alyas “Apaw”.
Bumaba sila mula sa isang tricycle at ilang sandali ay nakita ang suspek na nilapitan ang biktima, na nakahiga sa kalsada, at kinuha ang wallet nito. Pagkatapos nito, agad na pumasok ang suspek sa kanilang bahay.
Positibong kinilala ang suspek ng mga opisyal ng barangay mula sa CCTV footage at dahil dito naaresto ng Lipa City Component Police Station ang isang 27-anyos na lalaki na kinilalang si Paul.
Ayon naman sa kaanak nito, natagpuang wala nang buhay at may labintatlong saksak sa katawan ang biktima.
Sa pahayag naman ni PLTCOL Aleli Cuyan Buaquen, Officer-in-Charge of the Lipa Component City Police Station, hinipuan umano ng biktima ang suspek kaya nainis ito at sinaksak ang biktima. Idinagdag pa ni Buaquen na ang suspek ay galing sa rehab at na-release naman noong Mayo 30 dahil sa hindi matagumpay na paggamot.
Ayon pa sa opisyal, “Intent to kill talaga, afterthought ang pagnanakaw dahil binalikan pa ng suspek ang wallet ng biktima matapos itong patayin.”
Kasalukuyang inihahanda ang mga dokumento para sa kasong isasampa laban sa suspek, habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon gayundin ang tunay motibo sa pagpaslang. | BChannel NEWS