Isinusulong ni Senador Robin Padilla ang pagbaba ng minimum age of criminal responsibility sa 10 anyos.
Ayon kay Padilla, tumaas ang bilang ng mga kabataang sangkot sa malalaking krimen tulad ng rape, illegal drugs, at murder mula noong 2016, kung saan umabot sa 12,000 minors ang naitalang kasangkot sa krimen.
Bilang tugon, iminungkahi ng senador na amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act upang matutukan ang mga batang sangkot sa heinous crimes.
Tinukoy ni Padilla ang mga batang nagbabanta sa buhay ng mga pulis, pati na rin ang mga sangkot sa kidnapping at murder.
Ipinahayag naman nina Senador Raffy Tulfo at Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanilang opinyon.
Ayon kay Tulfo, may mga magulang na ginagamit ang birth certificate ng kanilang anak bilang proteksyon laban sa pananagutan, habang sinabi ni Dela Rosa na ang mga kabataan ngayon ang nangunguna na sa mga krimen, hindi lang ginagamit ng mga sindikato.
Samantala, sinabi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na mas mahalaga ang tamang implementasyon ng kasalukuyang batas kaysa baguhin ito.
Nanawagan si Pangilinan na tutukan din ang mga sindikato na nag-uudyok sa kabataan na magtangkang magkasala. | BChannel NEWS