Nanawagan si Senator Imee Marcos sa mga ahensya ng pamahalaan na unahin ang produksyon at pananaliksik sa industriya ng saging, kamakailan.
Babala ng senadora, nanganganib na mawalan ng malaking bahagi ng merkado ang Pilipinas sa mga pangunahing bansang inaangkat gaya ng Japan at China kung hindi agad matutugunan ang krisis.
Ayon kay Marcos, hindi sapat ang marketing dahil mas malalim ang suliranin ng industriya.
Kabilang dito ang mataas na gastos sa produksyon, patuloy na banta ng Panama disease, at mga hindi paborableng kasunduan sa kalakalan na unti-unting nagpapahina sa kompetisyon ng mga Pilipinong magsasaka.
Dagdag pa ng senadora, kailangang magpokus ang gobyerno sa tatlong bagay: produksyon, pananaliksik, at suporta sa mga magsasaka. Hinimok niya ang Bureau of Plant Industry na palakasin ang laban kontra Panama disease at palawakin ang research and development para mapababa ang gastos sa pagsasaka at mapataas ang ani.
Binanggit din ni Marcos na ang Cavendish bananas, na pangunahing uri ng saging na ini-export ng bansa, ay bumubuo ng halos kalahati ng kabuuang produksyon. Ito rin ang nagbubukas ng mahigit 329,000 trabaho at nagbibigay ng tinatayang 42.3 bilyong piso na sahod taun-taon.
Paalala ng senadora, hindi lang numero ang nakataya rito kundi ang libu-libong pamilya na umaasa sa industriya ng saging para sa kanilang kabuhayan.