Maghahain ng kaso si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso laban sa Jelsie Construction and Supply matapos ang umano’y ilegal na pagbaklas ng Rizal Avenue Sports Athletics Complex o RASAC covered court sa Sta. Cruz, Maynila.
Ayon sa alkalde, walang kaukulang permit o koordinasyon sa City Hall ang ginawang demolisyon at konstruksyon ng bagong gusali ng naturang contractor.
Kabilang sa mga reklamong isasampa sa City Prosecutor’s Office ay malicious mischief, unlawful demolition, at paglabag sa Risk Reduction and Preparedness Equipment Protection Act.
Nadiskubre ring ₱145.5 milyon ang halaga ng proyekto na inaprubahan ng DPWH, ngunit hindi pa umano napapalabas ng Malacañang ang pondo.
Tinatayang ₱10.4 milyon naman ang halaga ng na-demolish na pasilidad batay sa ulat ng City Accountant.
Ayon sa Manila LGU, matagal nang nagsilbing sports at community hub ang RASAC at naging evacuation center pa noong mga kalamidad.
Giit ni Moreno, walang awtoridad ang contractor na sirain at palitan ang pasilidad na mahalaga sa serbisyo publiko at kaligtasan ng mga taga-Maynila.