Patay ang isang 43-anyos na lalaki na kinilalang si Michael matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa kahabaan ng National Highway, Barangay Balibago, Calatagan, Batangas pasado alas-otso ng umaga, September 9, 2025.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima nang bigla itong paputukan mula sa likuran ng dalawang suspek na magkaangkas din sa motorsiklo. Dead on the spot ang biktima at bumangga pa sa konkretong road barrier, habang mabilis na tumakas ang mga salarin patungong direksyon ng Lian o Balayan.
Lumabas sa CCTV at testimonya ng isang residente na ang suspek na si Jaypee ang nagsilbing driver ng pulang-itim na motorsiklo, habang ang kanyang back rider ang umaktong gunman. Iniwan umano ni Jaypee ang motorsiklo sa bahay ng kanyang kaibigan at sinabing babalikan kinabukasan.
Sa follow-up operation ng Calatagan Police, katuwang ang 1st at 2nd Batangas Provincial Mobile Force Companies, Provincial Intelligence Unit Batangas, Batangas Drone Team, at iba pang police stations ng Balayan, Lian, Tuy at Calaca City, natunton at naaresto si Jaypee sa mismong bahay nito sa Barangay Hukay, Calatagan. Patuloy naman ang operasyon para mahuli ang kasamang gunman at inaalam na rin ang motibo sa krimen.
Sa pahayag ni Police Colonel Sibalo: “I commend the teamwork and swift response ng lahat ng yunit na nakibahagi sa operasyon. Hinihikayat ko ang publiko na makipag-ugnayan sa Calatagan Police para sa impormasyon ukol sa natitirang suspek.” | BChannel NEWS