Isang lalaki ang patay matapos pagbabarilin sa loob mismo ng kanilang bahay sa San Pedro City, Laguna, pasado alas-11 ng gabi nitong Oktubre 28, 2025.
Batay sa ulat ng San Pedro City Police Station, habang naghahanda ng pagkain para sa kanyang pamilya ang biktimang si Arem, biglang pumasok sa kanilang likurang pinto ang pangunahing suspek na kinilalang si Abdul, armado ng hindi pa matukoy na uri ng baril.
Walang sabi-sabing pinaputukan nito ang biktima nang sunod-sunod, na tinamaan sa ulo at katawan at agad na binawian ng buhay.
Pagkatapos ng pamamaril, tumakas ang suspek. Nang sundan umano ng saksi na si Mina, ang tumatakas na salarin, nasalubong niya ang mga kasabwat nitong sina Amenodin, Juhairy, Ayo, MJ, at Saileni, na armado rin at tinakot ang saksi at ang kanyang pamilya.
Agad rumesponde ang mga imbestigador ng San Pedro CPS at sa tulong ng saksi, positibong itinuro ang mga suspek na agad na inaresto sa lugar.
Humiling na rin ng SOCO assistance para sa crime scene processing, habang isinasagawa ang paraffin test sa mga suspek. Patuloy namang hinahanap ng mga otoridad ang ginamit na baril sa krimen.

 
         
         
        