Naaresto ng mga tauhan ng Batangas City Police, sa tulong ng 1st Provincial Mobile Force Company, ang isang Provincial Most Wanted Person na kinilalang si “Gemini”, sa Barangay Balagtas, Batangas City, nitong Oktubre 29, 2025.
Ang suspek na si Gemini ay 68-anyos, may asawa, isang karpintero, at tubong Oriental Mindoro, na kasalukuyang naninirahan sa nasabing barangay.
Inaresto siya sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Acts of Lasciviousness—dalawang bilang—na inilabas ni Presiding Judge ng RTC Branch 1, Batangas City, noong Oktubre 27, 2025. May nakalaang piyansang P180,000 kada bilang ng kaso.
Tiniyak ng mga pulis na nasunod ang lahat ng legal na proseso, kabilang ang paggamit ng Body-Worn Camera sa operasyon.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Batangas City Police Station ang akusado habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon.