#Viral ang isang pulis matapos itong gumawa ng kakaibang “Bring Me Challenge” sa social media sa Talisay, Cebu.
Sa naturang video, nag-aalok umano ang nasabing pulis ng dalawang libong piso sa sinumang makapagdala ng adik o drug user, at limang libong piso naman para sa magdadala ng drug pusher.
Ayon sa Philippine National Police, malinaw na lumabag ito sa kanilang Police Operational Procedure at hindi ito katanggap-tanggap sa ilalim ng mga patakarang umiiral sa hanay ng kapulisan.
Bagama’t personal lamang daw ang layunin ng naturang video, agad itong inalis ng pulis matapos sabihan ng kanilang hepe upang maiwasan ang mas malaking kalituhan at masamang epekto sa imahe ng PNP. Gayunman, kumalat na ang video sa social media at umabot na sa tanggapan ng mas mataas na opisina.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng PNP ang insidente at pansamantalang inilipat sa ibang administrative post ang nasabing pulis habang patuloy ang imbestigasyon. Pinagpapaliwanag na rin ito hinggil sa kanyang ginawa.
Pinaalalahanan naman ng PNP ang lahat ng kanilang tauhan na maging maingat sa paggamit ng social media at siguraduhing ang anumang online activity ay tumutugma sa dangal, disiplina, at propesyonalismo na inaasahan sa mga tagapagsuot ng uniporme ng PNP. | BChannel news