Sinabi ng Department of Trade and Industry na kaya pa ring makapaghanda ng simpleng Noche Buena ang mga pamilyang Pilipino sa halagang limandaang piso.
Ayon kay DTI Secretary Cristina Roque, kung maingat ang pagpili, maaari nang makabili ng ham at mga sangkap para sa macaroni salad o spaghetti, pero nakadepende pa rin ito sa bilang ng kakain.
Gayunman, sa aktwal na presyuhan, iba ang sitwasyon lalo na pagdating sa ham na pangunahing handa tuwing Pasko.
Upang matulungan ang mamimili, inilabas na ng DTI ang 2025 Noche Buena Price Guide na naglalaman ng updated prices ng ham, spaghetti, pasta sauce, queso de bola, fruit cocktail, at mayonnaise mula sa iba’t ibang brand.
Tiniyak naman ni Roque na walang dagdag-presyo sa basic commodities hanggang matapos ang taon, alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos Jr. na tiyaking matatag ang presyo ng mga bilihin ngayong holiday season upang hindi bumigat ang gastos ng mga pamilya. | BChannel news