Inihain ni Senator Bam Aquino ang Senate Bill 1559 o “Party-List Reform Act,” isang panukalang batas na layong ayusin ang party-list system na umano’y matagal nang nasasamantala ng malalaking pamilya at korporasyon.
Ayon kay Aquino, ang kasalukuyang sistema ay inaabuso ng mga makapangyarihan sa halip na itaguyod ang mga sektor na dapat nitong pinoprotektahan. Binigyang-diin niyang panahon nang ibalik ang party-list sa tunay nitong layunin—ang boses ng nasa laylayan, hindi ng mga dynasties o negosyong naghahanap ng backdoor sa Kongreso.
Batay sa ulat ng Kontra Daya ngayong 2025, 86 sa 156 party-list groups ang may direktang koneksyon sa political dynasties o malalaking kompanya. Sa 63 grupo na pumasok sa 20th Congress, 40 ang kabilang sa mga grupong may ganitong ugnayan.
Sinabi ni Aquino na “hindi basta pumalya ang sistema—sinamantala ito.” Kaya ang panukala niya ay naghahain ng serye ng malalaking pagbabago para mapigilan ang pandaraya at ang pagpasok ng mga grupong hindi naman tunay na kinatawan ng sinasabi nilang sektor.
Sa ilalim ng Party-List Reform Act, obligadong magsagawa ang Comelec ng evidentiary public hearings para patunayang tunay ang kinakatawan ng bawat party-list at kuwalipikado ang kanilang mga nominee. Palalawigin din ang registration period mula 90 hanggang 120 days bago ang eleksyon, at gagawing 90 days ang paglalabas ng certified list of eligible groups.
Isa pang malaking reporma ang pagbabawal sa sinumang nominee na may relasyon hanggang third degree sa isang halal na opisyal. Hindi rin papayagan ang mga nominee na kasalukuyan o dating contractor ng pamahalaan o may direktang kaugnayan sa mga kumpanyang sangkot sa public projects.
Giit ni Aquino, kailangan na itong gawin kasunod ng mga kontrobersiya sa infrastructure at flood control projects. Sabi pa ni Aquino na ayaw na ng publiko sa pa-isa-isang solusyon. Ang hinahanap nila, pagbabago sa mismong sistema. Pagbabagong tatagal.
Saklaw din ng panukala ang pagre-require na anim ang minimum nominees na isusumite ng bawat party-list group, at dapat aprobado ito ng kanilang pinakamataas na decision-making body upang maiwasan ang palihim at huling minutong pagpapalit ng mga pangalan.
Dagdag ni Aquino, sobra na umano ang galit at pagkadismaya ng tao sa party-list system. Gusto anilang makita na merong tapang, may paninindigan, at may totoong reporma na binibigay para sa bansa.
Nanawagan siya sa publiko at kapwa mambabatas na bantayan at suportahan ang Party-List Reform Act bilang hakbang tungo sa Kongresong talagang nakikinig sa mga ordinaryong Pilipino. | BChannel News